Himig ng Lansangan

Lance Tolentino
3 min readJun 11, 2022
litrato ay kuha ko

Pag-aalay

Para sa mga kinukuwestyon pa
ang Tawag ng Panahon.

Kumalat kamakailan lamang ang pagtitipon ng mga lalaking bilyonaryo sa Pilipinas. Nandoon ang Jaime Augusto Zobel de Ayala na nagtaguyod ng anti-jologs na Mall sa Makati; nandiyan ang mga Tan, Huang, Uy, Gokongwei — mga intsik na ginagawang inspirasyon ng Pinoy upang “sumugal” sa negosyo.

Madalas din sila mafeature sa mga “lifestyle” magazine (o cardinal book ng mga burgis dahil galit sila sa mga squammy). Makikita mo na — taray, may chandelier ang bahay! Kulang nalang si Sia ang ipa-swing habang 1–2–3 na bubuwelo.

At doon mo natutunan— wala ke Jolina Magdangal ang tunay na bling-bling, kundi, nasa hikaw ni Kris Aquino. Taob ang sinusuot mong marikina made shoes sa Designer brands (o brands na bibigyan ka ng confidence magsuot ng crocodile-skin leather) ni Heart Evangelista. Nangarap na nga tayo maging aso dahil dinadamitan niya ang alaga niya ng scarf na umaabot ng libo.

Hanggang sa lumaki ka, nakagraduate, at lulunurin ka sa Pilosipiya De Marites (silent S ‘to ah) tuwing bakasyon kasama ang mga kamag-anak. “O, do’n ka sa Kompanya ni ___ mataas sahod.” Pero theoretically, what if lang ha, kung saka-sakali: mataas sahod sa korporasyon na ito, at may bonus pa na customized cup, nagreremind sa’yo: do your best, and God will do the rest.

“Ma, ayaw ko na.” sabi mo sa telepono, pero dahil kailangan mong bayaran ang bills sa bahay na taon-taon nagtataas, hindi pwede.

“Bakit hindi ka na nagpapalda?” tanong ng co-worker mo. Pero di niya alam, ilang beses ka na minamata ng CEO ng kumpanya. Kahit alam mong walang mali sa suot mo, pero gagawin mo lang ang lahat upang makaiwas kasi “malaki ang sahod dito, Nak”.

So, sino ang kakatukin mo ng bahay para lang lumuha? Dahil ang salitang bigat ay hindi mo na mabigkas; ito mismo ang humihila sa dibdib mo. Pero, do your best nga diba, and God will do the rest? Naisip mo, kung ang Diyos ay ‘di natutulog, aba ako oo! Lord, wala na akong pahinga, araw-araw kape, umaga kape, hanggang gabi offer ng manager ko: coffee? Lord! Pagod na ako makipagplastikan: ayaw ko talaga ng kape, pero napapa “oh, sure!” ako, baka sakaling magbigay ng increase. Jusme, hindi nako magtataka kung sa susunod na pagbanyo ko coffee beans na ang ihi ko.

Pero walang sagot si Lord. Nakangiti lang siya sa Cup na bigay sa’yo. Hindi mo na alam sino ang tatawagin mo; dahil mismong may-ari ng langit, feeling mo, hindi ka na dinidinig. Baka sabihin lang din niya, “Anak, huwag ka na magreklamo. Mabuti nga may trabaho ka.”

Umalis ka na galing trabaho; umulan, mabuti nakasakay ka na ng bus. Habang sumasakit na ang ulo mo sa lamig, natanaw mo sa bintana, hindi lang ang bubble gum na nakadikit sa sulok nito ngunit “sila”. Pinalabo ng tubig ngunit malinaw ang kulay ng kanilang uniporme: nagpro-protesta ang manggagawang kababaihan laban sa hindi makatarungang sahod at pagtrato sakanila. Nakita mo na ito noong nakaraang linggo, pauwi rin. Nabalitaan mo na rin na tinanggal ang mga trabahador na nakilahok dito. Pero noong pagdungaw mo, madami na sila! Natatandaan niya, lima lang noong linggong iyon — ngayon, sapat na upang mapansin ang panawagan nila: tao, hindi makina! Nandoon na rin ang iba’t ibang kulay ng makabayang grupo: pula, asul, green — hinulma ang bawat kulay na tumungo sa biyak na landas. Kung buhay ang mga Flags na ito, naisip mo, magrereklamo kaya sila na nababasa sila ng ulan? Sa pagpatak ng ulan, mula sa kinauupuan mo, ang pagsigaw nila ay tumatagos sa materyales ng bus, niyayanig nito ang bakal, ambon, salamin —

Umandar na ulit ang sasakyan. Umaabante ang bus, habang ang tanaw mo ay sinusundan ng tingin ang kaganapan. Pinilit mong makita hanggang sa kadulo-dulohan ng paningin mo.

Maalab sa gitna ng bagyo ang programa ng unyon. Nagbabaga habang papalakas ang tampisaw ng tubig. Rumaragasa ang galit habang walang-malay na hinahampas ng hangin. Sumasabay ang busina sa kalembang ng kanilang boses. Sarado man ang bintana mo ngunit tumagos ang kanilang tugon sa bintana kung saan ka.

Bumugtong-hininga ka — nagbabakasakaling mapawi ang bigat.

At nagtanong ka — hindi sa kung bakit sila nandoon, pero…

Bakit wala ka pa roon?

--

--