Photo by Suzy Hazelwood from Pexels

Ang Malambot na Pagsayaw ng Isang Bakla sa Mundong Matigas

Maikling kuwento

Lance Tolentino

--

Lunes na naman. Araw ng pagkabuhay ng mga taong pagod noong nakaraang linggo. Ang mga taong ito, ay tulad ni Mateo, na nakahilata lamang buong weekend.
Si Mateo ay isang bakla. Hindi tuwid. At alam niya sa sarili iyon. Pati na rin ng iba, bagay na kinakainisan niya. Dahil hindi niya pa nga inaamin sa iba, hinuhuhusgahan na siya agad. Pinapangunahan at pinipintasan.
Hindi niya matandaan kung kailan ito nagbunga. Pero ang alam niya, natural itong lumabas sa kanyang sinasakupan na mundo.
Kumatok sa kanyang pagtulog ang alarm sa kanyang cellphone. Ang kanyang paghiga ay yuon bang binaril sa ulo. Ang kamay niya ay sumasayad sa sahig, habang ang kumot nito ay gusot-gusot. ‘Di nagtagal, natanggal ang pagkagapos ng kanyang katawan sa kama at tuluyang dumiretso sa kubeta upang linisin ang dapat linisin.
Ito ay lagi niyang routine sa araw-araw, ang kausapin ang sarili. At madalas pakiramdam niya mayroong nakikinig sakanya. Iyon ang mahalaga.

Ako si Mateo, bakla. Ito ay kaya kong aminin sa sarili ko ngunit hindi sa iba at sa mundo. Nananatili ako sa kloseta, iniinda ang amoy ng moth balls. Gusto ko kumawala, pero paano?
Hindi rin ako katalinuhan. At bakit ko ikakahiya yon? Dapat ba pag bakla kailangan matalino ka sa eskwelahan? Dapat ba pag bakla, kailangan may mapatunayan ka para lang malikom mo ang respeto ng iba? Hindi. Dahil sa simula noong inilabas ka sa puke ng nanay mo, karapat-dapat ka nang irespeto.
Respeto. Kailan ko kaya iyon mararamdaman bilang isang bakla?

Lumisan siya sa kubeta. Nagbihis tyaka nagpaulan ng pulbo sa kanyang katawan. Papasok na siya sa eskwelahan.
Lumabas siya ng gate at tuluyan nagpatangay sa kalsadang bibitbitin siya papuntang sa paaralan.

Christian Living ang subject noong umaga na iyon. Binuksan ang usapan tungkol sa isyu ng same-sex marriage sa Pilipinas ng kanilang guro. tinanong ng guro kung sino ang pabor sa pagbibigay ng karapatan na magkaroon ng kasal ang mga homoseksyuwal.
Walang sumang-ayon. Maliban sa isang nasa sulok ng silid-aralan, ang bida sa kwentong ito, ang nanatiling nasa kloseta. Pero wala siyang lakas ng loob itaas ang isa sa mga braso niya, dahil may humihila dito pababa. Ang takot na baka mahalata siya lalo ng mga taong hindi siya straight. Ang umaapaw na nerbiyos na baka awayin siya ng kanyang guro. Ang pagisawas sa mga maling pag-aakala ng mga kaklase niya sa kanya. Takot. Nerbiyos. Pagiwas. Kailan siya lalaban? Kailan niya ipaglalaban ang karapatan ng mga tulad niya? Kailan? Tinitignan siya ng guro. Sa pagkakabasa ni Mateo sa kanyang bilugan na mata, parang sinasabi nito na “sige sabihin mo nang sumasang-ayon ka!”
Sa sunod niya na tanong, inalam ng guro kung sino naman ang hindi pabor sa paglegal ng batas.
Lahat ng estudyante ay nagtaasanan ng kamay, maliban sa kanya.
“Okay, so lahat naman kayo…ay ‘di pala lahat.”
Nagtingin sa kaliwa’t kanan ang mga kaklase niya kung sino ang di nagtaas ng kamay, hanggang sa na hagilap ng kanilang mga mata si Mateo.
Huwag niyo ko tignan!
Iba’t ibang lengguwahe ang naintindihan ni Mateo sa mga titig at buka ng bibig ng kanyang mga kaklase. Ang iba hindi na nagulat, ang iba naman ay mistulang nagpipigil ng tawa.
Tinanong siya ng guro kung bakit hindi siya nagtaas ng kamay.
Pakielam mo ba!
“Uh… sir.” sabi ni Mateo
Sumabat ang lalaking lagi siyang kinukutya. “Yie, aamin na yan!”
Nagtawanan ang klase. Pati na rin ang guro.
Tangina niyong lahat!
Napikon na naman muli ang bida sa kwentong ito.
Oras na para magtanghalian. Umalis siya ng silid ng mayroong tanim ng hinanakit. Dati pa siyang ganito. Sa sobrang pagtatanim, namunga ito ng namunga hanggang ang galit niya ay nagiging repleksyon ng kanyang sarili. Pati sa sarili niya galit na siya.
Kasama niya ang dalawa niyang kaibigang babae sa dalawang seksyon. Umupo sila sa isang bakanteng table sa dulo ng canteen.
Mahal niya ang dalawang ito, ngunit ang panghuhusga ng mga tao ay nagmamanipula sa kanyang mga galamay, na para bang gusto niyang ipagtulakan palayo mula sa kanya ang dalawa niyang kaibigan.
Ang isa sa mga dahilan ay noong nakita niya ang meme na nagsasabing:

YUNG MGA BAKLA SA SCHOOL MO NA ‘DI UMAAMIN PERO PURO BABAE KASAMA

Sa katunayan, hindi siya kumaibigan ng babae dahil lang bakla siya. Ayaw niya sa mga lalaki sa eskuwelahan niya. Sila ang ugat ng lahat ng kanyang paghihinagpis dahil lang naiiba siya sa nakararami. Hindi, hindi siya naiiba. Tao rin siya tulad ng nila.
Mula noong bata pa siya, kalalakihan ang malimit niyang kalaban sa andar ng kanyang buhay.
Kalaban nito ang tawa, pangkukutiya, pati ang titig ng mga ito.
Pero madalas, tingin niya ay lagi siyang nakahubad, na laging tinitignan ng mga taong may halong panghuhusga.
Ang mundo ay pinaramdam sa kanya na ang tulad niya ay pader na kaya mong ihian, suntukin, o kaya naman magbandal pero bandang huli, hindi ito tamang gawin. Ang pinakamasaklap sa pagiging pader ay yuong hindi niya maipaglaban ang karapatan niya bilang siya.

Physical Education ang subject pagkatapos ng tanghalian. Mageensayo ang klase ni Mateo ang tinuro na sayaw noong nakaraang linggo ng kanilang guro.
Sila ay sumasayaw ng folk dance. May mga parte ng sayaw na lalaki lang ang gagawa o kaya naman babae.
Noong sila ay sumasayaw sa gymnasium, may sinabi ang P.E. teacher niya sa klase tungkol sa kanya. “Oy Mateo! Gumalaw kang lalaki!”
Ito na naman.
Tumigil sa pagsasayaw si Mateo, pakiramdam niya nakahubad na naman siya; tinitignan ng mga tao, kinadidirian, kinakahiya. Sa pagkakataong ito, hinubaran siya ng kanyang guro, na dapat sana nasa propesyon niya ang pagiging gender sensitive.
Niyuko ni Mateo ang ulo niya. Gusto niyang bulagin ang sarili niya para lang di niya makita pa ang mga panghuhusgang tumatagos sa kanyang isipan at dibdib.
Pagod nako na tinatarantado ako.
Lumayas siya sa kinaroroonan, sinaway siya ng guro, habang pinagmamasdan siya ng mga kaklase niya.
Nagpupuyos siya sa kanyang sama ng loob. Mahigpit ang hawak niya sa kamao at pinupudpod niya ang kuko sa isang kuko dahil sa gigil na nararamdaman niya.
Pumunta siya sa banyo, sinira at kinandado ang pinto, at humarap sa salamin.
Nagbanyo siya dahil ang kanyang hinubaran na katawan ay kailangan ng mga telang babalot sa kanyang katawan. Pero sa nakikita niya sa salamin, itong tao na ito ay hindi kailangan ng damit kundi kapangyarihan. Ang kanyang galit ay naguudyok sa kanya na gamitin ang hindi dapat ginagamit ng taong may moral. Pero sa kanyang pag-aalboroto, nagagalit din siya sakin sa sarili.
Bakit ba ako ganito? Bakit hindi ako tulad ng ibang lalaki? Bakit? Bakit!
Sunod-sunod niyang pinaghahampas ang mukha niya. Hinigpitan niya ang hawak sa kanyang buhok, na parang nawawalan na siya ng bait sa sarili. Umiiyak siya at malakas ang kanyang paghinga. Habang nakayuko, dahan-dahan niyang iniangat ang ulo, at nadatnan muli ang repleksyon sa salamin. Ibang nilalang ang taong nasa loob ng salamin. Ito ay pagod nang maging pader, ito ay tapos nang indahin ang paghubad sa kanya.
“Lumaban ka na.” sabi ng repleksyon ni Mateo.
Kumalma siya at bumalik sa katinuan.
“Hindi abilidad ng isang bakla ang manahimik.” sabi nito “kung ang lengguwahe ng lipunan ay brutal sa mga tulad natin, saan ka aasa? Ang manahimik? Hindi. May boses ka. May boses, ka.”
May boses ako.
May boses ang bakla.
May boses ang tulad ko.
Lalaban na siya.
Lumabas siya ng banyo, tuluyan niyang nilisan ang banyong kinukulong siya nagbibigay ng kahulugang tinatago niya ang sarili mula sa mga kalaban.
Naglakad at pumasok siya muli sa gymnasium. Tumigil siya sa paglalakad, tumayo na may agilang titig sa kanyang guro, at hindi ipagwawalang bahala na lamang ang nangyari.
May boses ka.
“Hoy!” sigaw niya.
Nanahimik at napatigil lahat sa pagsasayaw habang gulat ang naramdaman ng kanyang P.E. na titser.
Doon siya sumayaw. Pinalaya niya ang katawang nakagapos sa sistemang panlipunan na pumapabor lamang sa mga tuwid na tao.
Kinembot niya ang mga nagsasabing maling maging malambot ang isang lalaki.
Umikot siya at inikot niya ang mundo para mahilo sila sa pinakong katotohanan na mali ang maging bakla.
Nilambutan niya ang sayaw: malambot na brasong parang galamay ng octopus at malambot na pagyakap sa kanyang pagkatao.
Simula ngayon, hubaran man siya ng tao, hindi na siya hahanap ng damit o pantakip sa kahihiyan. Dahil hindi na niya ikinakahiyang bakla siya. Hubad na kung hubad.
Tumigil siya sa pagsasayaw. Umalis ito at bumaba ng hagdanan, dala-dala ang bagong prinsipyong kanyang pinanghahawakan, ang manatiling dilat at lumalaban, para sa ibang bakla na tulad niya.

Ang kanyang malambot na pagsayaw sa harap ng maraming makikitid ang isip ay simbolo ng pagkalas sa sistemang nakapatong lamang sa mga tulad niya. Ito ang bigat na dinadala ng isang bakla. Kung dati isa siyang pader na walang magawa sa pangbabastos ng marami, ay nagiba na. Kung dati hinuhubaran siya ng walang pahintulot at sapilitan, ngayon, mananatili siyang hubad, ipagmamalaki na ito siya at walang mali sa kanya. Dahil kung mananatili siya duwag ipakita, mananatili ang mentalidad na mayroong mali sa pagiging bakla.
Sa kanyang pagsayaw, hinihikayat niya rin kumawala at lumaban ang iba niyang kapwa na nasa kloseta. Ito ay isang hakbang tungo sa pagbabago. Dahil sabi nga sa pelikula, kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan?

--

--

Lance Tolentino
Lance Tolentino

Written by Lance Tolentino

Filipino; the pen wields the gun.

No responses yet